Monday, August 26, 2013

on
Isa ako sa mga milyong milyong Pilipino na hindi lang galit kundi poot at suklam ang nararamdaman para kay Janet Lim Napoles. Simula nung una kong mabasa ang kwentong ito sa Philippine Daily Inquirer, araw araw ko nang sinubaybayan ang kwento nya at ng iba pang mga ganid, gahaman  at walang pusong mga pulitiko. At sa bawat araw na iyon hanggang sa inilabas na ng DOJ ang kanilang Warrant of Arrest para sa baboy na si Janet Napoles, lalong nag-aapoy ang aking galit, hindi lang para sa kanya kundi pati na rin sa lahat ng mga pulitikong yumayaman at nagpapasarap sa buhay gamit ang perang galing sa aking buwis.  

Sampung BILYON ang pinag-uusapan natin dito. Hindi pa kasama doon ang napunta sa mga baboy ding mambabatas ng Pilipinas. Kaya pala hanggang ngayon, hindi pa rin makahulagpos ang Pilipinas sa gapos ng hirap at paghihikahos. Kaya pala hanggang ngayon, andami dami pa ring natutulog sa ilalim ng tulay sa Kamaynilaan at maraming marami pa rin ang nagtitiis matulog sa kariton. Maraming pamilyang Pilipino pa rin ang hindi kumakain ng tama sa bawat araw. Maraming bata pa rin ang palaboy laboy sa lansangan at nananatili pa ring mababa ang antas ng pamumuhay ng mas maraming Pilipino. Kaya pala...kaya pala. 

Nandun pala napunta lahat kay Napoles at sa mga anak niya. Pinambili nya ng mga magagarang kotse habang ang mga ordinaryong mamamayan ay hindi makabili kahit mumurahing motorsiklo.  Si Janet Napoles ay bumili ng mahigit dalawampung bahay habang ang marami sa mga Pilipino ay nagkasya lamang sa maliliit na barong-barong sa mga "squatter's area. Ang mga anak ni Napoles, wagas kung magdisplay ng mga mamahaling damit, sapatos, at bags habang marami sa mga kawawang Pilipino ay nagtitiyagang magkalkal ng basura makatawid lamang sa pang-araw araw na pangangailangan.

Hanggang ngayon, di pa rin mahanap si Janet Lim Napoles.  Patuloy pa rin ang pagpapasarap nya sa buhay gamit ang pera ng bayan. Kailan kaya sya mapapanagot sa lahat ng kasalanang ginawa nya sa bawat Pilipinong ninakawan nya?

Sana lang wala nang Janet Lim Napoles na susunod sa yapak nya. Sana lang wala nang PORK BARREL Fund na mapupunta lang sa bulsa ng mga buwayang inihalal ng taong bayan. Sana...sana...

Masisisi mo ba kami kung MAGALIT kami sa PORK?



0 comments:

Post a Comment